PILIPINO STAR SHOWBIZ:  DEAL OR NO DEAL  IN  RP   /  UMIIWAS  SA  'FOIE  GRAS'

MANILA, MAY 9,
2008 (STAR) TAKE TAKE IT Ni Lolit Solis - Nananabik ang mga kababayan natin na mapanood ang Philippine edition ng Deal or No Deal na ipinalabas nila sa Amerika.

Type nilang mapanood ang Philippine edition dahil sa positive reviews na nababasa nila sa mahusay na co-hosting job ni Kris Aquino sa orig host na si Howi Mandel.

I’m sure, ipalalabas ng ABS-CBN ang Philippine edition, due to insistent public demand.

Hindi na bago ang balita na magaling na co-host si Tetay dahil talagang talented host siya.

Para que pa’t nakatanggap siya ng mga recognition mula sa iba’t ibang award-giving bodies?

* * *

Nega ang mga text messages na kumakalat tungkol sa isang kontrobersyal na celebrity.

Hindi ko na siya papangalanan dahil walang malinaw na basehan ang mga paninira sa kanya.

Imposibleng hindi makarating sa kanya ang mga text messages na natanggap yata ng lahat ng mga reporters at kapag nalaman niya ’yon, siguradong may idea siya kung sino ang source.

* * *

May nagpadala sa akin ng email tungkol sa mga personalidad na ipinoprotesta ang pagkain ng foie gras (French ng “fat liver”) at ang pagmamalupit sa mga pato at gansa.

Nagulat nga ako dahil kasama sa mga nagpoprotesta ang pangalan ni Bong Revilla. Read n’yo ang ilang parte ng article na ipinadala sa akin ng PETA.

Ano ang pagkakapareho nila Isabel Roces isang sikat na modelo, senador at aktor na si Bong Revilla (Kap’s Amazing Stories)? Sila at ang iba pang mga artista gaya nina Yasmien Kurdi (Babangon Ako’t Dudurugin Kita) at beteranong aktor na si Eddie Gutierrez ay pumirma at nangako sa People for the Ethical Treatment of Animals Asia-Pacific (PETA) na kailanman ay hindi sila bibili at kakain ng foie gras at hihikayatin ang kanilang mga fans na gawin din ito.

At bakit? Dahil ang foie gras ay isang sakit ng isang pinalaking atay ng pato at gansa kung saan sila ay puwersahang pinapakain gamit ang isang tubo na isinusuksok sa kanilang mga lalamunan tatlong beses sa isang araw. Ang mga iba pang mga artista na pumirma ay sina Arci Muñoz (Maging Akin Ka Lamang), ang aktres na si Alicia Mayer (Tasya Fantasya), singer at komedyanang si K Brosas, mga modelo na sina Corey Wills, Raya Mananquil at Bianca Valerio, at ang host ng The Peep Show sa Jack TV na si Karen “Dylan” Vizcarra.

Ang foie gras ay gawa sa atay ng mga pato at gansa na pilit pinapakain at dahil dito, sila’y nagkakaroon ng malubhang sakit sa atay. Ang mga imbestigasyon sa mga foie gras farm sa US at Europa at Canada ay nagtala ng mga may sakit, patay at mga namamatay na hayop. Ang ibang mga hayop ay nagtamo ng butas sa leeg dahil sa tubo, at sa isang imbestigasyon, natuklasan na ang mga patay na ibon ay nakalambitin ng patiwarik sa mga kable habang tumutulo ang kanilang dugo galing sa kanilang leeg papunta sa mga buhay na ibon na nasa ilalim.

“Ang puwersahang pagpapakain sa mga ibon hanggang sumabog ang kanilang lamang-loob ay isa sa mga pinakabayolenteng uri ng pagmamalupit sa mga hayop sa mga factory farms ngayon,” sabi ni Rochelle Regodon, campaigns manager. “Lahat ng Pilipino ay kayang protektahan ang mga pato at gansa sa kalupitan na ito, simple lang huwag bumili at kumain ng foie gras.”

Ang foie gras ay ipinagbabawal na sa 15 bansa, kasama ang United Kingdom , Germany, Israel, at Switzerland, pati na rin sa US sa estado ng California at sa siyudad ng Chicago. Ayon kay Pope Benedict XVI, ang produksyon ng foie gras ay “nagpapababa sa mga nilikha bilang isang komoditi” at idinagdag na “sumasalungat sa relasyon ng pakikibagay na nasa Bibliya.”


Chief News Editor: Sol Jose Vanzi

© Copyright, 2008  by PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved


PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE [PHNO] WEBSITE