TAGLIS NEWS: SA HIWALAYAN ANG HANTONG
MANILA, MARCH 21, 2008 (PilipinoSTAR) SANGA-SANGANDILA Ni Veronica R. Samio - Habang sinusubok pa ni Rufa Mae Quinto kung saan hahantong ang relasyon nila ng bago niyang manliligaw na sa abroad naka-base habang siya naman ay naririto sa Pilipinas, heto at tuluyan na raw naghiwalay ang mag-asawang Sheryl Cruz na nag-resume ng kanyang acting career sa Pilipinas habang ang kanyang asawang si Norman Bustos ay hindi maiwan-iwan ang kanyang trabaho sa Amerika.Mahirap talaga ang long distance relationships. Sa umpisa, hindi mo masyadong mararamdaman ang lungkot pero, habang nagtatagal, mami-miss mo na ang iyong mahal hanggang sa mamanhid ka at mawalan ng pakiramdam. Hanggang masanay ka nang hindi mo na siya nakikita.
Bagaman at totoo ang kasabihang ‘absence makes the heart grow fonder,’ hindi mapapasubalian na ‘absence also makes the heart forget.’ Kapag madalas mong hindi makita ang isang bagay o tao, makakalimutan mo siya.
Ito siguro ang nangyari sa mag-asawang Sheryl at Norman, kahit paminsan-minsan ay dumadalaw dito si mister at ganundin si misis, dumating ang panahon na marahil ay nakasanayan na nilang hindi nakikita ang isa’t isa, kaya naghiwalay na lang sila.
Sana ay hindi pa ito pinal, at sana may isa sa kanila na magsakripisyo para mabuong muli ang kanilang samahan.
Sana.
* * *
Sinabi ni Luis Manzano na wala siyang magagawa kapag nagdesisyon ang ABS-CBN na papasukin din siya sa bahay ni Kuya katulad nang ginawa nito sa tatlong babaeng host ng Pinoy Big Brother na sina Toni Gonzaga, Bianca Gonzales at Mariel Rodriguez.
“Pero siguro hihilingin ko muna sa kanila na sana ay wala akong masakripisyong trabaho kapag ginawa nilang ipasok akong housemate,” anang anak ng gobernador (Vilma Santos) at sikat na TV game show host.
Naniniwala rin si Luis na mabibigyan niya ng class ang nasabing palabas at ito ay walang halong pagyayabang na sinabi niya sa media.
* * *
Lalong tumitindi ang tambalan nina Kim Chiu at Gerald Anderson!
Sa unang bahagi ng 2008, dalawang proyekto na agad ang nakalinya para sa kanila. Isa na rito ang horror series na Maligno sa ABS-CBN.
Ilang araw na lang at magsisimula na ng panibagong yugto ang Pinoy Big Brother Teen Edition. May mga bagong mukha na namang aabangan at pasisikatin ng Dos. Pero hindi naman nababahala rito ang pinakamalaking produkto ng unang season na sina Kim at Gerald.
Kamakailan lang, ikinatuwa nila ng husto ang pagkakapili sa kanila para gawin ang Pinoy version ng hit Koreanovelang My Girl, na ire-remake ng Dos.
“Wala talaga, as in wala akong idea at all. Pinagdasal ko lang talaga na sana magkaroon ako ng bagong project. ‘Tapos ayun, nagkatotoo nga siya!” ani Kim.
Pero bago pa man nila simulan ang My Girl, mapapanood muna sila sa ikalawang pagtatanghal ng Sineserye Presents: The Susan Roces Cinema Collection, ang horror series na Maligno, kasama si Claudine Barretto at Diether Ocampo.
Halong kaba at saya ang nararamdaman ni Kim sa paggawa ng proyektong ito, dahil makakasama niya sa eksena ang kanyang idolong si Claudine Barretto.
“Idol ko po talaga si Ms. Claudine, hanggang ngayon nga nai-starstruck pa rin ako sa kanya. Kapag kinakausap niya ako, hindi ako makasagot. Pero dream come true po na makasama ko siya sa isang show,” pahayag ng dalaga.
FEMALE TV HOST NA BALAHURA TSUTSUGIHIN NA TAKE IT! TAKE IT! Ni Lolit Solis
Nanganganib na matsugi sa isang talk show ang female co-host kung hindi nito babaguhin ang kanyang pakikitungo sa mga guest.
Nagrereklamo na raw ang mga bisita ng talk show dahil binabastos sila ng co-host na kulang sa breeding.
Binabastos as in balahura ang female co-host na feeling sikat. Ang staff ng show ang napapahiya sa pambabastos ng co-host sa mga bisita na iniimbitahan nila sa kanilang mga programa.
Ano ang klase ng pambabastos ng hitad? Ganito siya kung makipag-usap sa mga guest: Ikaw, sino ka? Ano ang trabaho mo? Bakit ka nandito?”
Aba, nakakahiya nga kung ganoon ang trato niya sa mga bisita na karamihan eh galing sa mga buwena pamilya?
Hindi talaga nabibili ang breeding dahil kung for sale ito, matagal nang nagregalo ng breeding ang staff ng show sa hitad na co-host.
* * *
Magaganda sa personal ang mga nanalo sa Bb. Pilipinas dahil napagmasdan ko sila nang umapir sila sa Startalk noong Sabado.
Morena beauty ang Bb. Pilipinas-Universe title-holder na si Jennifer Barrientos at mestiza ang kontobersyal na si Janina San Miguel na napakatangkad sa personal.
Dalagang-dalaga ang itsura ni Janina pero lumalabas ang pagiging bagets niya kapag bumubuka na ang kanyang bibig.
Malaki pa ang igaganda ni Janina, lalo na ngayon na beauty title-holder na siya. Iba ang nagagawa ng beauty title ‘no!
Hindi na ako magkokomento tungkol sa English grammar ni Janina dahil may-I-speak na siya ng Tagalog sa kanyang mga guesting.
Tama ng pasya ni Janina na gamitin ang ating sariling wika dahil hindi naman tayo mga Amerikano. Sa totoo lang, mali-mali rin naman ang mga English grammar ng mga Amerikano. Hindi nga lang halata dahil mga Amerikano sila.
* * *
Holy Thursday ngayon. Puno ang mga simbahan dahil ugali na ng mga Pilipino ang mag-Visita Iglesia tuwing Maundy Thursday.
May mga kilala ako na artista na bumibisita sa mga simbahan dahil may mga panata sila na tinutupad.
Walang trapik ngayon at bukas sa Metro Manila dahil nasa bakasyon ang mga tao.
Ang Metro Manila ang pinakatahimik na lugar tuwing Holy Week kaya hindi ko naging ugali na dumayo sa ibang lugar.
* * *
Nakakaloka ang mga sinasabi ng mga sports analyst ng ating bayang magiliw. Hindi rin sila kumbinsido na si Manny Pacquiao ang true winner sa laban nito kay Juan Manuel Marquez kaya gusto nila na magkaroon ng rematch.
I’m sure, magagalit sa mga sports analyst ang fans ni Pacquiao na naniniwala na talagang ang kanilang idolo ang nanalo.
Hindi affected si Manny sa mga nagdududa dahil payag siya na magharap uli sila ni Marquez. Handa raw siyang labanan ang Mexican boxer kahit away sa kanto ang kanilang gawin.
Malapit nang bumalik si Manny sa Pilipinas. Knowing him, may sagot siya sa mga opinyon ng mga sports analyst. Si Manny pa?
Chief News Editor: Sol Jose Vanzi
© Copyright, 2008 by PHILIPPINE
HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved