PABAYA SA SARILI: ISANG KILALANG COMEDIAN NANGHIHINGI NA NG TRABAHO
MANILA, MARCH 21, 2008 (PilipinoSTAR) SHOWBIZ MISMO Ni Cristy Fermin Thursday, March 20, 2008 Sa kapalaran ngayon ng isang kilalang komedyante ay walang sinisisi ang kanyang mga kasamahan kundi siya rin mismo. Naaawa sila sa kanilang kakontemporaryo, gusto nilang tulungan ang komedyante, pero ano raw naman ang kanilang magagawa kung ang mismong may katawan na ang nagpapabaya sa kanyang sarili?Walang trabaho ngayon ang komedyante, libreng-libre ang kanyang oras, gusto niyang makapagtrabaho pero parang wala nang may gustong magtiwala sa kanya dahil sa unprofessionalism na ipinakita niya noon.
“Ang pagkakamali niya, para lang siya makalusot sa problema, pati ang handler niya, ginagamit niyang dahilan kapag nale-late siya sa call time. Imagine, yung pobreng wala namang kasalanan, yun pa ang ginagawa niyang dahilan, nabuking tuloy siya!” simulang kuwento ng aming source.
Kulang sa disiplina ang komedyante, natutulog siya nang walang pakialam kung merong ibang mga taong naaabala nang dahil sa kanya, kahit meron naman siyang relo at alam niya naman kung anong oras siya kailangan sa set ay wala pa rin siyang pakialam.
“Kunwari, 9:00 AM ang call time. Darating siya, after lunch na. Ang dami-dami niyang katwiran. Nandiyang nasira ang sasakyan niya sa highway, nandiyang naligaw siya, nandiyang hinintay pa raw kasi niya ang kanyang handler na nung daanan niya sa bahay, e, hindi pa nakaayos.
“Ilang beses niyang ginagawang katwiran ang handler niya, kaya nung minsan, e, tinawagan na ng executive producer ang taong isinasangkalan niya sa pagiging late.
“Ang sagot sa kanya nung handler, ‘Bakit ako? Hindi naman ako ang sumasama sa kanya sa set, meron siyang road manager, RM ang kasama niya at hindi ako!’
“Nung tanungin naman ng EP ang road manager niya, ang sabi nung taong walang kaalam-alam sa problema, ‘Ako po? Bakit ako? Hindi ko siya pinaghihintay. Ako ang matagal niyang pinaghihintay sa meeting place namin! Naku, huwag niya akong punuin, isusumbong ko siya sa boss namin!’
“Buking na buking siya, wala na siyang maikatwiran nung madalas pa rin siyang ma-late. Para mawala na ang problema, pinatay na lang ang character niya sa show.
“Ayun, nawalan siya ng work, wala na siyang raket ngayon, nakikiusap siyang bigyan pa siya ng another chance, pero tapos na ang maliligayang araw niya!” kuwento pa rin ng aming impormante.
Matagal nang pasaway ang komedyanteng ito, kahit noong bagu-bago pa lang siya ay yun na ang pagkakilala sa kanya ng marami, hindi pa rin siya natuto, matigas pa rin ang kanyang ulo, wala siyang disiplina at ginagawa niyang laro lang ang kanyang career.
Sabi ng isa niyang kasamahan, “Ano naman ang magagawa kong tulong sa kanya, e, kung siya nga, hindi niya naman tinutulungan ang sarili niya? Siya dapat ang magkaroon ng focus, hindi kami,” sabi nito.
Korek na korek!
* * *
Kinukumpirma ng isang malapit kay Kris Aquino na nagdadalantao siya ngayon, pero may dagdag na impormasyon ang aming kausap, nagpalit daw ng OB-Gynecologist ang aktres-TV host.
“Delayed na talaga siya, pero may scientific process silang sinasabi na kailangan niyang pagdaanan. Dun daw makikita kung confirmed na nga ang pregnancy niya at hindi siya basta delayed lang,” sabi nito.
Sa ginawang pregnancy test ni Kris ay positibo siyang nagdadalantao, tatlong guhit daw ang lumabas sa kanyang pregnancy test, pero ayon sa aming source ay kailangan pa ring sumailalim sa ibang test si Kris para maging maayos ang kanyang sitwasyon.
Sampung buwan pa lang ngayon si Baby James, hindi pa nag-iisang taon ang bata ay meron na agad itong kasunod, mas mabuti naman ang ganun para habang bata pa sina Kris at James Yap ay nandiyan na ang kanilang mga anak.
Hindi pa nagsasalita si Kris tungkol sa kanyang pagdadalantao, nagbibigay lang siya ng insinwasyon, tulad ng kailangan na raw niyang isuot ngayon ang mga damit niya dahil sa mga susunod na buwan ay hindi na yun magkakasya sa kanya.
Chief News Editor: Sol Jose Vanzi
© Copyright, 2008 by PHILIPPINE
HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved