PilipinoSTAR EDITORYAL:  MARAMI PONG  MAGIGING  ANGELO  DE  LA  CRUZ

MANILA,  July 13, 2004
(PilipinoSTAR)
NANGAKO ng 10 milyong trabaho si President Arroyo. Magandang pangako. Kung matutupad niya ito, maaaring sa darating na panahon ay wala nang mga tambay, palamunin at pasanin ng gobyerno. Kung may mga trabaho, busy ang lahat at angisa sa magandang epekto, bababa ang crime rate. Pero pinakamagandang magiging resulta kung magkakaroon ng 10 milyong trabaho mababawasan na ang mag-aabroad. Bababa na ang bilang ng mga OFWs. Wala nang pupunta sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait, Hongkong, Singapore, Japan, Taiwan at maski sa Iraq, kung saan ay naroon si Angelo dela Cruz na binihag ng mga rebeldeng Iraqi. Si De la Cruz ay isang truck driver na naka-base sa Saudi Arabia. Naghatid siya ng crude oil sa bayan ng Falluja sa Baghdad, Iraq nang masabat ng mga rebelde at binihag. Binantaang pupugutan ng ulo kapag hindi inalis ang tropang Pinoy sa Iraq. Matigas ang gobyerno. Hanggang ngayon hawak pa ng mga rebelde si De la Cruz at binigyan pa ng palugit ang gobyerno.

Nahaharap sa isang matinding pagsubok si Mrs. Arroyo. Pitong araw pa lamang siya nakakaupo mula nang manumpa noong June 30 ay nabulabog na ang kanyang pamahalaan nang bihagin si De la Cruz. Isang problemang mahirap desisyunan. Marami ang tinitimbang. Bagamat 51 lang ang miyembro ng Philippine contingent doon, para bang isang batalyon na ang nakadagang problema sa kanyang balikat.

Ang ganitong problema na kasangkot ang kalagayan ng overseas Pinoy worker ay ikalawa na. Una ay noong bitayin si Flor Contemplacion na wala man lang nagawa ang gobyerno ni President Fidel Ramos. Walang kamalay-malay ang Labor department noon na may isang Pinay na bibitayin. Pinatay sa pamamagitan ng pagbigti si Flor. Umiyak ang maraming Pinoy sa awa. Ngayon, bagamat kakaiba ang kaso ni De la Cruz, wala siyang pinatay at isang karaniwang driver lamang, mas magiging matindi sapagkat hindi siya kasangkot sa away ng mga bansa na naging dahilan para siya bihagin. Pupugutan siya dahil ayaw alisin ang tropang Pinoy. Mahirap ang kanyang kalagayan. Siya ang magiging ‘‘sakripisyong tupa."

Matinding pagsubok kay Mrs. Arroyo ang nangyari kay De la Cruz na nagkataong ka-probinsiya niya. Mahirap ang sitwasyon. Maaaring palayain at pugutan ang kawawang OFW na nangibang bansa para sa pamilya. Sana, makabalik siyang buhay. Kung makakaligtas si De la Cruz, karangalan ni Mrs. Arroyo. Kung magkakaganyan, dapat lang na isulong niya ang pangakong trabaho para hindi na masundan ang OFW na si Angelo de la Cruz. Wala nang aalis para magtrabaho sa ibayong dagat.


Reported by: Sol Jose Vanzi

© Copyright, 2004  by PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved


PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE [PHNO] WEBSITE