ABSENT SI YILMAZ SA DEDICATION (BINYAG) NI BABY LORIN
MANILA, December 24, 2003 (STAR) RATED A Ni Aster Amoyo Pilipino STAR Ngayon - Walang pari o pastor ang personal na nag-officiate sa binyag o di kaya dedication sa four-month old na si Lorin Gabriella Gutierrez Bektas, ang unang baby ng mag-asawang Ruffa Gutierrez-Bektas at Yilmaz Bektas na ginanap sa The Loft ng Rockwell sa Makati City nung nakaraang Linggo, December 21 ng hapon.
At the last minute, hindi umano pumayag ang mister ni Ruffa na si Yilmaz na pabinyagan ang kanilang anak sa Catholic o di kaya Christian rites. Since naka-schedule na ang dedication o binyag ni Lorin with matching 24 pairs ng mga ninong at ninang, itinuloy ang magarbong presentation kay Lorin which was covered live ng S-Files ng GMA-7. Sina Janice de Belen at Joey Marquez ang naiwan sa studio ng S-Files habang nasa location sa The Loft naman sina Paolo Bediones at Richard Gomez. Si Richard at ang misis niyang si Lucy ang dalawa sa mga tumayong godparents ni Lorin.
Dalawampu’t apat na pares ang mga tumayong ninong at ninang na kinabibilangan nina Sen. Tito Sotto at Lipa Mayor Vilma Santos, Gov. Ferdinand ‘Bong-Bong’ Marcos at dating Sen. Nikki Coseteng, Cong. Jules Ledesma at Councilor Aiko Melendez, Makati Vice-Mayor Ernesto Mercado at Bb. Rosemarie ‘Baby’ Arenas, G. Jimmy Duavit ng GMA-7, Gng. Charo Santos-Concio ng ABS-CBN, dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada at Gng. Lorna Tolentino-Fernandez, Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez, Tony Tuviera at Charlene Gonzales- Muhlach, William Gatchalian at Manay Ichu Maceda, Gary Valenciano at Carmina Villaroel, Christopher de Leon at Donita Rose Cavett-Villarama, Eric Quizon at Tessa Prieto-Valdes, Tonton Gutierrez at Laarni Enriquez, Ogie Alcasid at Gretchen Barretto, Albert Martinez at Mariquita Yeung, Ricky Lo at Manay Ethel Ramos, Alfie Lorenzo at ang inyong lingkod, Cecilio Pedro at Cher Calvin, Rafael Ortanez at Nadia Montenegro, Engr. Mario Badillo at Madel Bitanga, Dr. Jose Oreta, Jr. at Geena Llamanzares, Joel del Prado at Barbara Dimatulac, Bong Prada Lim at Yolanda Quiambao, Pops Fernandez at ang nakababatang kapatid ni Yilmaz na si Kesra Bektas.
Halos lahat ng mga godparents ay dumalo maliban kina Bong Prada Lim at dalawa sa ating mga kasamahan na sina Ricky Lo at Alfie Lorenzo. Behaved si Lorin sa buong proceeding at naka-ilang palit ang bagets. Hindi nito naisuot ang gawang damit ni Inno Sotto dahil sobrang laki. Ang Bridesmaids and Company na siya ring naging official coordinator sa grand wedding nina Ruffa at Yilmaz last March 25 ay siya ring nag-organize ng magarbong dedication o presentation kay Lorin nung nakaraang linggo ng hapon. Isa-isang nagbigay ng kani-kanilang mensahe kay Lorin ang mga tumayong ninong at ninang.
Agaw-pansin naman ang fairy godmother costume ng isa sa mga ninang, ang socialite na si Tessa Prieto-Valdez na kilala sa kanyang mga outlandish na kasuotan. Hindi nakarating ang mister ni Ruffa na si Yilmaz at sa halip ay dumating ang kanyang nakababatang kapatid to represent him sa nasabing okasyon. Sa gabi ng Christmas day lilipad pabalik ng Istanbul ang mag-inang Ruffa at Lorin kasama ang yaya ng bata. Sa Cyprus naman magpapalipas ng New Year ang buong Bektas family kung saan nagma-may-ari ang mga Bektas ng isang hotel at casino. Ayon kay Ruffa, nag-enjoy siya ng husto sa kanyang unang bakasyon sa Maynila bilang Mrs. Bektas at kasama pa ang kanyang baby na si Lorin.
Hindi pa alam ni Ruffa kung kelan ang next vacation nilang mag-ina, pero kung siya ang masusunod, gusto niya na dito sa Pilipinas mag-celebrate ng kanyang first birthday si Lorin.
* * *
Sa Amerika magi-spend ng Christmas at New Year si Mayor Vilma Santos at ang kanyang pamilya at mananatili sila roon until after New Year para makapiling ang kanyang ina at mga kapatid na hindi makakauwi rito for the holidays. Gusto rin ng mag-asawang Vi at Sen. Ralph Recto na makapagpahinga kaya minabuti nilang sa Amerika na mag-spend ng Holidays. Ayon kay Vi, muli siyang tatakbo for another term as mayor ng Lipa City dahil sayang naman umano ang kanyang nasimulang mga projects sa Lipa at wala namang kuwestyon na suportado siya ng kanyang mga constituents dahil nakikita nila ang mga pagbabago sa kanilang lugar nang maging alkalde siya ng nasabing siyudad.
* * *
Anyday now ay magbibitiw na sa kanyang puwesto bilang VRB chairman si Bong Revilla para mag-file ng kanyang candidacy sa pagka-senador at personal niyang rekomendado si Edu Manzano para pumalit sa kanya sa pwestong kanyang iiwanan. Rekomendado rin ni Bong ang mga kaibigan niyang sina Rudy Fernandez at Phillip Salvador pero magkakaroon lamang ng kumplikasyon dahil identified kay dating Pangulong Joseph Estrada ang dalawa. Pero na kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo pa rin ang pagpapasya kung sino sa kanyang mga recommended names ang papaboran ng Malacañang. Nang dahil sa pulitika, hindi talaga maiiwasan na hindi maapektuhan ang pagkakaibigan ng marami sa mga kandidato at hindi na rito naiiba si Bong na naiipit ngayon sa dalawang magkahiwalay na sitwasyon.
Ninong niya ang presidentiable candidate na si Fernando Poe, Jr at ninang din niya si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pero ang partidong kinaaaniban ni Bong ay ang Lakas na siyang partido ni Pangulong GMA. Dahil dito, personal siyang nakipag-usap sa kanyang Ninong Ronnie at nauunawaan naman siya nito. Pero hindi maiiwasan ni Bong na may mga taong magtatampo sa kanya. Pero klinaro ni Bong na anuman ang mangyari, ang kanyang pagmamahal at respeto sa kanyang Ninong Ron ay hindi magbabago. Kung hindi nga lamang magkaiba ang kanilang party alliances, tiyak na susuportahan niya ang kandidatura ng action king. Samantala, bukod sa pulitika, abala rin ngayon si Bong sa pagpu-promote ng kanyang MMFF entry, ang Captain Barbell na dinirek ni Mac Alejandre for Premiere Productions na released thru Viva Films.
Reported by: Sol Jose Vanzi
© Copyright, 2003
by PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved