PRESIDENT ARROYO'S RADIO ADDRESS TO THE NATION

MALACANANG, October 27, 2003  (OPS) Magandang araw sa inyong lahat.

Isa sa mahahalagang kaganapan nitong nakaraang Linggo ay ang Eleventh (11th) Asia Pacific Economic Cooperation Summit na ginanap nuong nakaraang Lunes hanggang Martes sa Bangkok, Thailand, at dinaluhan ng mga lider ng iba’t-ibang bansa sa Asya Pasipiko.

Sa ating pagtalakay sa sitwasyong pang-ekonomiya ng rehiyon, binigyang diin namin ang problema sa terorismo. Dahil na rin sa masamang epekto nito sa pang-daigdigang kalakalan. At sa ating pina-igting na operasyon laban sa terorismo, hindi na matatawaran ang mga tagumpay na ating natamo.

Maraming terorista na – mga Pilipino, at banyaga, tulad ni Fathur-Al-Ghozi at Taufek Refke – ang mga nahuli at napatay, at ang mga natitira pa ay unti-unti nang nasusukol.

Nitong linggong ito lamang ay may nadiskubre tayong isang hideout ng mga terrorista sa Cotabato City na pinaghihinalaang pagawaan ng bomba. Kaugnay nito, apat-napung terroristang banyaga na kasapi sa Jemaah Islamiyah ang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad. Kilala na sila kaya inaasahan ang mabilisang paghuli sa kanila. Sa paghahanap na ito ay katulong natin ang Estados Unidos na nagpadala ng mga sundalo nito para sanayin ang ating mga kawal sa counter-terrorism.

Kaya naman, hinihiling ko sa ating mga kababayan na tulungan ang mga awtoridad para na rin sa kapakanan ng lahat. Mananatili tayong kalmado at buksan natin ang ating mga mata at tainga at maging alerto. Ipagbigay alam kaagad sa mga kinauukulan kung may napapansin kayong mga kahina-hinalang tao sa inyong paligid.

At habang pinai-igting natin ang ating laban kontra terrorismo, puspusan naman ang pagpapatupad ng ating anti-poverty programs para mabura na nang tuluyan ang recruitment bases ng mga terrorista.

Ako ay nagagalak dahil kasama sa side events sa APEC ang pakikipagkasunduan ng Pilipinas at Thailand para sa agricultural cooperation at oil and gas investment.

Kabilang sa kasunduang agrikultura ang pagpapalitan ng teknolohiya, sa ganu’n ay tutulungan tayo ng Thailand kung paano magtanim ng mas-mabisang palay sa ating rice terraces.

Kabilang naman sa kasunduan sa enerhiya ay maglalagay ang Thailand ng puhunan sa petrolyo duon sa Subic.

Malaki ang magiging hatid na pakinabang ng mga kasunduang ito para sa ating katiyakan sa pagkain, paglikha ng kabuhayan, at pagpapatatag sa ating supply ng enerhiya. Tinatayang sa susunod na mga taon ay aabot sa 9,000 megawatts ang kakailanganin natin para lubos na masuportahan ang ating inaasahang paglago ng ekonomiya. Kaya naman, lubusan ang ating panghihikayat sa mga posibleng mamuhunan sa larangang ito.

Ang mga kasunduang ito ay bunga na rin ng kasiglahang ipinakikita ng ating ekonomiya nitong mga nakaraang buwan. Katunayan, kinilala ng APEC secretariat ang Pilipinas bilang isa sa pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa buong Asia-Pacific region, na isang patunay na naman na ang mga repormang pang-ekonomiya na ating inilatag ay nagtatagumpay.

Ayon sa secretariat,sa dalawampu’t-isang miyembro ng APEC, pang-anim ang Pilipinas sa inaasahang may pinakamataas na Gross Domestic Product o GDP growth ngayong taon. Ang GDP growth forecast ng APEC para sa Pilipinas ay mas mababa ng kaunti sa Malaysia, at mas konti sa China Vietnam, Russia at Thailand.

Kapuna-puna rin na dumarami ang namumuhunan dito. Ayon sa DTI, mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito, ang approved investment ay umaabot sa halagang P22-B na tinatayang magbibigay ng trabaho sa may halos 40,000 katao.

Nagtala ang ating industry and services sectors ng pagdami ng trabaho ngayong taon. Industry generated almost 260,000 jobs or an increase of almost 6 percent, while service has generated more than 250,000 jobs, or an increase of 1.8 percent. Ang mga sektor na ito ang mas matatag na sukatan ng ating ekonomiya.

Ilan sa mga naglalagay ng puhunan dito kamakailan ay ang Convergy’s ng Estados Unidos, ang pinaka-malaking customer service company sa buong mundo na kumukuha ng tatlong libong mang-gagawa sa unang taon ng kanilang operasyon sa Pilipinas.

Halos kasabay nito ang mirant at cal energy na maglalagay ng maraming elektripikasyon na libre para sa ating baranggay elektripikasyon program. Ito ay sa ibabaw ng ating bagong power plant na itinayo ng Mirant.

Nariyan din ang Ford Motor Company na nagdagdag ng $50 million para gawing regional export hub ang Pilipinas.

Isa ring consortium na pinangungunahan ng Australian-based La Fayette Philippines ang nakahandang mamuhunan ng $30 million para ma-develop ang Rapu-Rapu Poly-Metallic mines sa Albay.

Ang China naman ay pinupuntirya ang Pilipinas bilang panibagong pagkukunan ng kanilang coconut oil.

Isang Austrian Packaging Unit naman, ang Tann-Papier of Austria, ay maglalagak ng P1 billion para sa – pagtatayo ng isang manufacturing company sa Batangas.

Kabilang din sa mga nagpahiwatig ng pagtatayo ng mga sangay dito ang kinikilalang higante na Texas Instruments, $70 million.

United Parcels Service, at ang United Kingdom-based Aviation Firm Mace.

At saka ang Hitachi rin, ay daan-daang milyon and ilalagay na muling pang dagdag sa Pilipinas.

Ang Asya ay muli na namang mamayani bilang growth area in terms of foreign direct investment, at isa ang Pilipinas sa makikinabang dito.

At bilang suporta sa inaasahang patuloy na paglakas ng kalakalan dito sa ating bansa, minabuti ko na ipag-utos ang pagkumpleto ng mga kinakailangang imprastraktura at pasilidad tulad ng Strong Republic Nautical Highway. Ang ruta nito ngayon ay umaabot na mula Maynila hanggang Bataan sa North, at Dapitan naman sa Zamboangga del Norte sa South. Pati na rin hanggang Cagayan de Oro.

Noong nakaraang Miyerkules naman ay nagkaroon tayo ng ground breaking rites para sa konstruksiyon ng extension ng South Luzon Expressway mula Calamba hanggang Sto. Tomas, Batangas. Magkakaron tayo tuloy ng expressway mula sa Manila hanggang Calabarzon, at hanggang Batangas port.

Ilan lamang ito sa mga patunay ng ating gumagandang ekonomiya. Maging ang ating mga bangko na basehan din ng kaunlaran ay nagpapakita ng magandang performance.

Halimbawa ang PNB na nuong araw ay luging-lugi, ay kumita ng P127 M sa nakaraang siyam na buwan. Noong nakaraang taon ay nalugi sila ng P1.52 billion.

Ang Chinatrust naman ay nagkaroon ng 27 percent improvement sa kanilang income sa loob din ng nakaraang siyam na buwan. Ang China Bank naman ay kumita ng P2.18 billion sa ganoon ding panahon, na mas mataas ng 10 percent sa kinita nila nuong nakaraang taon.

Maging ang remittances ng ating mga OFWs ay tumaas ng 4.8 percent at naging $5-B sa nakaraang walong buwan. Ang OFW remittances ay pangunahing pinagkukunan ng Regular Foreign Exchange ng ating bansa. Pinasisigla nito ang piso at ang ekonomiya. Ito ay nagsisilbing sandigan ng ating bansa kapag ang ekonomiya ay humihina sa ibang bagay.

At dahil na rin sa ipinakikitang magandang performance ng mga ekonomiya sa Asia-Pacific, kaya isinaalang-alang ng APEC ang lubusang proteksyon sa mga ito. Lalung lalo na sa terorismo. Aking iminungkahi ang pagtatayo sa Pilipinas ng prototype ng isang Secure Port kung saan mabilis na malalaman kung ligtas ang mga kargamentong papasok at palabas ng bansa mula sa nakakalason o mapanirang materyales na hindi maa-abala ang normal na takbo ng komersiyo. Ang America ay naglalaan ng $5.4 billion para sa counter-terrorism capacity building dito sa Asia-Pacific. Ito ay pwedeng magamit natin regionally at globally, at sa Pilipinas, para mabawasan kung hindi man tuluyang mapawi ang banta ng terrorismo sa kalakalan.

Kailangang matatag nating maitaguyod ang panawagan ng APEC na burahin ang terrorismo sa Asya-Pasipiko. Ang Pilipinas ay patuloy na gaganap ng mahalagang papel sa larangang ito kaya dapat tayong maging alerto sa lahat ng oras. Patuloy nating palakasin ang ating kakayahan sa pagsugpo sa kasamaang ito at ang pakikipag-tulungan sa ating mga kapanalig sa buong rehiyon para sa mabilis na pag-usad ng ating mga ekonomiya. Mahalaga ito sa pagpapalago ng pamuhunan. Sa paglikha ng mga trabaho at sa pagtataguyod ng pambansang kaunlaran.

Tulad ng alam ninyo, kasama ko sa pagbiyaheng ito ang ilang alkalde ng Metro-Manila, at gusto ko silang pasalamatan dahil sa kanilang makabuluhang pakikilahok sa mahahalagang meetings kung saan ipina-abot nila sa international business leaders at policy makers ang mga mithiin ng kanilang constituencies. Nalaman ko na ilang foreign IT businessmen ang nagpahayag sa kanila ng hangaring magtayo ng IT Centers sa kalakhang Maynila.

Mga minamahal kong kababayan:

Sa dalawa at kalahating taon ng aking panguluhan ay nagkaroon na ako ng malawak na karanasan sa paghahangad ng kapayapaan, sa paglaban sa terorismo at ibang kasamaan, sa pagsasa-ayos ng mga kinakailangang gawin para sa pagbabago ng lipunan na siyang magbibigay-daan upang lumago ang ekonomiya at mawakasan ang kahirapan. Ang mga ito ay itinataguyod ko nang lubusan saan man ako magpunta. At ito ay patuloy kong gagawin hangga’t nariyan kayo na handang sumuporta at umagapay sa akin.

Maraming salamat.


Reported by: Sol Jose Vanzi

© Copyright, 2003  by PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved


PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE [PHNO] WEBSITE