OPINYON: ANAK SA LABAS, PAKULO BA MISMO NG KAMPO NI FPJ?

MANILA, February 8, 2004 (PilipinoSTAR) HALA BIRA! Ni Danny Macabuhay - KAHIT na saan ka bumaling, walang pinag-uusapan kundi ang pagkakaroon ng anak sa labas ni Fernando Poe, Jr. Laman ito ng lahat ng tabloids at headlines ng mga respetadong broadsheet newspapers. Naging paksa ito ng mga news at mga talk shows at tinalakay ng mga pinagpipitaganang kolumnista at mga komentarista sa radyo at telebisyon. Hindi rin nakaligtas ang bagay na ito na maging bahagi ng sermon ng mga pari sa kanilang mga misa.

Mahigpit na naging sentro ng balita ang anak na ito ni FPJ sa starlet na si Ann Marin na nagsimula bilang tsismis muna subalit biglang naging malaking balita ng tanungin at aminin ni Da King na totoo ngang mayroon siyang naging anak sa artistang naging kapareha niya sa ilang pelikula habang kasal na siya kay Susan Roces. Magmula noon ay hindi na naampat ang usap-usapan tungkol dito sa akala mo ay wala nang pinakamahalagang dapat na talakayin sa bansa kundi ang pribadong buhay na ito ni FPJ.

Nagturuan na kung sinu-sino ang may kagagawan sa pagpapalabas ng tsismis na ito na naging ‘‘balita ng bayan." Sinasabi ng kampo ni FPJ na ito ay isang paraan ng paninira sa kandidatura ng kanilang manok kung kaya’t may suspetsa sila na ang nasa likod nito ay ang mga kalaban ni Da King upang diumano ay pabagsakin ito. Nang dahil dito, lahat ng mga mata at mga daliri ay nakauon sa kung sino talaga ang nais na tumimbog sa magandang imahen ng action King.

Nagpahayag ang mga tauhan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi maaaring magsagawa ng isang napakamababang paraan ng paninira sa kanyang mga kalaban sa pulitika. Isa pa, anila, hindi magiging kapakinabangan para kay GMA kung mawawala si FPJ bilang isang kandidatong kalaban niya. Itinanggi rin ni Raul Roco na siya ang may kagagawan ng paninira kay FPJ. Ganito rin ang naging reaksyon galing kay Eddie Villanueva na nakilalang may mataas na moralidad at integridad.

Ang natitirang pinaghihinalaan na maaaring may pakinabang kung masisira o hindi na magiging kandidato na si FPJ ay si Ping Lacson dahil sa halos iisa ang pinanggagalingan ng kani-lang suporta. Subalit mariing pinabulaanan nina Lacson na galing sa kanila ang paninira kay Da King. Kung ganoon, sino ang nagpasimula ng balitang ito? Sa klase ng pulitika dito sa atin, malay natin, baka nga mismong kampo ni FPJ ang nagpakulo nito upang ito ang parating pag-usapan at makakuha ng simpatiya. Tingnan ninyo ang nangyayari. Naipakilala pa niya na hindi siya isang baog. Macho at bidang-bida pa ang dating. Ayyy, ang Pinoy nga naman, ang daling magoyo!


Reported by: Sol Jose Vanzi

© Copyright, 2003  by PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE
All rights reserved


PHILIPPINE HEADLINE NEWS ONLINE [PHNO] WEBSITE