NEWSFLASH
NAKAKATAWA LANG ANG GINAWA NG 'LAPU-LAPU'
Manila, January 13, 2003 (STARWEEK) ni Aster Amoyo - Nagtapos na nung nakaraang Biyernes, Enero 10 ang 17-day Metro Manila Film Festival. Although hindi pa namin hawak ang kumpletong figures, nanguna sa siyam na entries ang Mano Po ng Regal Films, pumangalawa ang Lastikman ng OctoArts Films at M-Zet Productions, pumangatlo ang Agimat (Anting-Anting ni Lolo ng Imus Productions, pang-apat ang Dekada ‘70 ng Star Cinema, panglima ang Spirit Warriors: The Shortcut ng MAQ Productions, pumang-anim ang Home Alone D Riber ng RVQ Productions, pangpito ang Ang Alamat ng Lawin ng FPJ Productions, pang-walo ang Hula Mo, Huli Ko ng Reflection Films at pangsiyam naman ang Lapu Lapu ni Lito Lapid.
Sa siyam na entries, ang pito sa mga ito ay nagsimulang ipalabas nung December 25 at nabigyan ito ng 17 days run habang ang Lastikman at ang Spirit Warriors: The Shortcut ay nagsimula lamang maipalabas nung Enero 1 kaya naipalabas lamang ito sa loob ng sampung araw. Pero sa kabila nito, pareho itong nakahabol sa Top 5.
Ganunpaman, ang katatapos lang na MMFFP ang siyang pinaka-successful in terms of gross receipts sa kabila na ito’y nagdaan sa napakaraming kontrobersya.
* * *
Nagmumukha namang katawa-tawa ang producer at director ng pelikulang Lapu Lapu sa kanilang ginawang pagdedemanda sa bumubuo ng MMFFP committee dahil lamang sa hindi pagkakapanalo ng award ng kanilang pelikula. Dapat nilang isipin na may panuntunan ang mga hurado at kung ano ang naging desisyon ng mga jurors ay pinal na ito. Maaaring may hindi sang-ayon sa kanilang naging desisyon pero hindi ito nangangahulugan na kailangang idemanda ang mga namumuno nito.
In the first place, gaano ba kaganda ang pagkakagawa ng Lapu-Lapu at ganun na lamang ang kanilang pag-iingay? Naaawa kami kay Gob. Lito Lapid dahil siya ang tinatamaan sa mga pinaggagawa ng producer at director ng kanyang pelikula.
Di nga ba’t naging maugong ang balita na malalaglag ang Lapu Lapu sa top seven dahil pangit umano ang pagkakagawa ng pelikula? While it is true na maganda ang subject ng pelikula dahil historical ito, hindi ganun kaganda ang description ng mga taong nakapanood dahil sa sama ng pagkakagawa. Had it been handled by other directors tulad nina Marilou Diaz Abaya, Joey Reyes, Joel Lamangan, Chito Roño, Maryo J. delos Reyes, Laurice Guillen at iba pang magagaling na director, naiba siguro ang kinalabasan ng pelikula.
Dapat alalahanin ng producer at director ng Lapu Lapu na sa anumang patimpalak, may nananalo at may natatalo. Sa labanang ito, natalo ang kanilang pelikula, matuto silang tanggapin nang maluwag sa kanilang mga puso ang nangyari dahil ang humusga sa kanilang pelikula ay ang mga manonood.
* * *
Dinalaw ni Richard Gomez ang kanyang ex-girlfriend na si Patricia Borromeo tatlong araw bago ito pumanaw nung Enero 8 sa Delos Santos Medical Center. Dumalaw din si Goma (Richard) sa vigil kay Patricia na ginanap sa Sanctuario de San Antonio. Although hindi sina Goma at Patricia ang nagkatuluyan, ang respeto ay naiwan sa kanilang dalawa.
Thirty-one lamang si Patricia nang siya’y bawian ng buhay. Namatay siya sa sakit na cancer (Non-Hodgkins lymphoma or cancer of the lymphatic system) na nagsimulang ma-detect nung Marso 29, 2001.
Palibhasa’y malakas ang loob, nilabanan ni Patricia ang kanyang sakit. Pinilit din niyang gawin ang mga bagay na ginagawa niya noong wala pa siyang sakit. For a while, muling naging normal ang kanyang buhay hanggang sa muling bumalik ang kanyang sakit nung nakaraang Agosto. Dahil na rin siguro sa hirap ng kanyang pinagdaanan sa chemotherapy, radiation at iba pa, ayaw na niyang ulitin ito at sa halip ay nag-resort sila sa mga alternatibong treatment at gamot. Nagtungo siya ng Amerika nung isang taon at bumalik lamang siya ng Pilipinas bago ang kaarawan ng kanyang mommy (ang dating Miss Philippines na si Myrna Panlilio) nung November 19. Pero bago sumapit ang Pasko, unti-unti nang nawalan ng appetite sa pagkain si Patricia kaya nung December 22 ay isinugod siya sa De los Santos Medical Center. Nung nakaraang January 5, dumalaw sa kanya ang kanyang dating kasintahan na si Richard Gomez. Tahimik na si Patricia sa kanyang kinaroroonan ngayon kapiling ang kanyang yumaong ama na si Dr. Ramon Borromeo.
Reported by: Sol Jose Vanzi
© Copyright,
2002 by PHILIPPINE HEADLINE NEWS
ONLINE
All rights reserved