ANG SECRETO NG PAGWAWAGI NI ERAP(Real
Reason Behind Erap's Victory)
By Jack Congson: Pinoy ShowBIZ <http://www.web.net/~showbiz>
Toronto, May 28, 1998 - Alikabok ang kinain ng mga kalaban ni Erap sa pagiging Pangulo ng Pilipinas.
Sa totoo lang, ang secreto ng pagwawagi ni Erap ay ang kanyang dalawang matalik na mga kaibigan na si Fernando Poe at Nora Aunor. Totoong maraming mga fans si Erap, pero ang kumbinasyon ng pinakasikat na trio sa pelikulang Pilipino ang humikayat sa masa na bigyan ng pagkakataon si Joseph Ejercito Estrada na maging Pangulo ng Pilipinas sa bukana ng pang 21 siglo.
May mga artistang nangangampanya din para sa mga ibang pulitiko pero kadamihan sa kanila ay bayaran. Si Ronnie at Nora ay tumulong kay Erap bilang matalik na mga kaibigan at ang kanilang sinseridad ay kitang kita ng mga dumalo sa kanilang mga pa-meeting. Mula sa puso ang kanilang tulong.
Walang pagod na suporta ang pinamalas ni Fernando Poe at Nora Aunor sa kanilang mahal na kaibigan. Madalas nauunang dumating si Nora sa pagdadausan ng pa-meeting, walang kasamang alalay. Tumutulong siya kaagad sa pagsasaayos ng mga kagamitan sa entablado at tuloy umaawit nang makaakit ng mga manonood.
Si Ronnie naman ay bigay todo ang suporta sa kanyang kumpare sa pang pinansiyal at pang emosyonal. Mula pa nang tumakbong alkalde ng San Juan si Erap, hanggang sa Senador, Bise Presidente at ngayon sa pagiging Pangulo ng Pilipinas, nandoon si Ronnie at nakaalalay kay Erap sa hirap at ginhawa. Kaya nga natagurian na si Fernando Poe na "Wind Beneath My Wings" ni Joseph Estrada.
Nakatutuwang marinig sa mga de-kalibreng mga Pilipino ang paglait nila sa kakayahan ni Joseph Estrada sa pangunguna sa bansang Pilipinas. Ayon sa mga ito, isa lamang hamak na artistang mahilig uminom at mambabae si Erap. Nakakaligtaan nila na mahigit sa 18 taong alkalde sa San Juan si Joseph at naging Senador at Bise Presidente ni Ramos. Nakakaliogtaan nila na isang hamak na artista lang ang naging Pangulo ng Estados Unidos, si Ronald Reagan. At nakakaligtaan rin nila ang mga milagrong ginawa ni Clinton sa White House.
Ang pangunahing abilidad ni Reagan ay ang pagiging "The Great Communicator". Napaniwala niya ang masang Amerikano na kaya nilang magwagi sa kanilang krisis na pang ekonomya at maging super power sa mundo.
Sa kabuuan, ang paglait ay nanggagaling sa diumano'y kahinaan ni Erap sa pagsasalita ng wikang Ingles. Sa Pilipinas ngayon, ang pagsasalita ng Ingles ay parang "status symbol" o isang sukatan ng pagkatao. Upang maging isang de-kalibreng Pilipino kailangang maging "English Spokening".
Ang pagsasalita ng tuwid na Ingles ay hindi nangangahulugan o dapat maging basihan ng kakayahan ng isang nangunguna sa isang malayang bansa. Higit na mahalaga ang kakayahang magpaliwanag sa masa ng bansa kung papaano ito susulong at ang magbigay sa mga ito ng pagasa na magwagi. (Ed's note: Jack Congson is the creator, publisher and editor of the PINOY SHOWBIZ, the only showbiz newspaper for the Pilipinos in Canada, and written in the Tagalog language. PinoyShowBIZ' URL is at the top of this news column for all to visit)
Reported by: Sol Jose Vanzi
© Copyright, 1998
All rights reserved